ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA BANABA?
Ang iba’t ibang bahagi ng puno ng banaba ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ayon sa mga pag-aaral, may mataas na lebel ng tannin sa bunga, dahon at balat ng kahoy (bark) ng banaba.
- Nakuhanan din ang halamang ito ng phenolic compounds, flavonoids, at saponins. Bukod pa dito, mayroon ding corosolic acid, ellagitannin Lagerstroemin, at gallotannins sa halaman ng banaba.
ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Bunga. Ang hinog na bunga ng banaba ay kadalasang pinapatuyo bago ilaga upang makuha ang taglay nitong gamot.
- Dahon. Ang dahon na maaaring bata pa o yung magulag na ay pinakukuluan din at ipinaiinom sa may sakit.
- Bulaklak. Pinakukuluan din ang bulaklak ng banaba upang maipainom ang pinaglagaan sa may sakit.
- Balat ng kahoy (bark). Ang balat ng kahoy ay nilalaga rin ngunit hindi ito kasing epektibo ng pinaglagaan ng dahon at bunga.
- Ugat. Pinapakuluaan din ang ugat at pinaiinom sa may sakit.
ANO ANG MGA SAKIT NA MAAARING MAGAMOT NG BANABA?
1. Diabetes. Ang pangunahing sakit na pinaniniwalaang nagagamot ng halamang banaba ay ang diabetes. Epektibo sa pagpapanatiling balanse ng lebel ng asukal sa dugo ang pag-inom ng pinaglagaan ng bulaklak, dahon at bunga ng banaba.
2. Hirap sa pag-ihi. Ang pinaglagaan ng ugat at dahon ng banaba ay may epektong diuretic sa mga taong hirap sa pag-ihi.
3. Pagtatae. Ang pinaglagaan naman ng balat ng kahoy ng banaba ay pinaniniwalaang makagagamot sa pagtatae o diarrhea.
4. Obesity o sobrang timbang. Mahusay din daw ang regular na pag-inom ng pinaglagaan ng halaman ng banaba sa pagpapanatili ng balanse at tamang timbang.
5. Altapresyon. May ilang naniniwala din na nakakababa ng presyon ng dugo ang pag-inom ng pinaglagaan ng banaba.
6. Pamamaga at implamasyon. Sinasabi rin na ang katas na nakukuha sa dahon ng banaba ay may bisa sa pagpapahupa ng pamamaga at implamasyon sa katawan.
7. Impeksyon ng bacteria sa katawan. May ilang pag-aaral na ang pinaglagaan ng bunga ng banaba ay makatutulong sa pagpuksa ng impeksyon ng bacteria sa katawan.
No comments:
Post a Comment