ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA PANSIT-PANSITAN?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang pansit-pansitan ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang mga sanga ng halaman ay may taglay na carbohydrates, alkaloids, tannins, flavonoids, steroids, at triterpenoids.
- May taglay din na mga mineral, bagaman mababa lamang, tulad ng manganese, iron, zinc at copper, sa dahon ng pansit-pansitan. Ngunit mataas naman ito sa sodium.
ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Karaniwang ginagamit sa panggagamot ang dahon ng pansit-pansitan. Kadalasang inilalaga ito at pinapainom sa may sakit.
- Sanga. Ang sanga ay karaniwang hinahalo din sa paglalaga ng mga dahon at pinaiinom din sa may sakit.
ANO ANG MGA SAKIT AT KONDISYON NA MAAARING MAGAMOT NG PANSIT-PANSITAN?
1. Rayuma. Mabisa laban sa nanakit na mga kasukasuan dahil sa rayuma ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng pansit-pansitan. Ang pagkain mismo sa dahon at sanga ng pansit-pansitan na parang gulay ay mabisang pang-alis sa kondisyong nararamdaman kaugnay ng rayuma.
2. Urinary Tract Infection (UTI). Pinapainom naman ng pinaglagaan ng dahon ang taong dumadanas ng impeksyon sa daluyan ng ihi.
3. Hindi pantay na kutis ng balat. Ang pagkakaroon ng kaibahan sa kulay ng kutis ay maaaring banlawan gamit ang pinaglagaan ng dahon ng pansit-pansitan.
4. Pigsa. Ang pigsa naman ay maaaring matulungan ng pagtatapal ng dinikdik na dahon at sanga ng pansit-pansitan.
5. Iritasyon sa mata. Ipinangpapatak sa mata na dumadanas ng iritasyon o implamasyon ang katas ng dahon at sanga ng pansit-pansitan.
6. Mataas na cholesterol. Nakatutulong din sa pagpapababa ng cholesterol sa dugo ang pagkain sa mga dahon ng pansit-pansitan.
7. Tagihawat. Para naman sa kondisyon ng pagtatagihawat, pinangtatapal sa apektadong bahagi ng balat ang dinikdik na dahon at sanga ng pansit-pansitan.
No comments:
Post a Comment